Kwentong Bayan mula sa Bicol
Salin ni Bb. Lilia F. Realubit
Isa sa mga lumang kwento na pasa pasa sapamamagitan ng bukang bibig ang kwentong ito.
Noong unang panahong wala pa ang mundo at isa lamang ang planeta – ang buwan. Sa planetang ito dalawang lahi ng tao ang nakatira, ang taong puti at ang taong itim. Ang mga puti ang Panginoon at iyong mga itim ang utusan. Ang mga puti ay magaganda: maputi ang kulay ng balat at ang buhok ay kulay ginto. Nakatira sila sa lunsod. Ang mga utusan ay sa kuweba ng kagubatan nakatira. Sila’y maliliit at maiitim na tao. Sila ang tagapag-alaga ng maganda at malaking hardin. May iba-ibang mababangong bulaklak at masasarap na bungangkahoy sa halamanan.
Ang mga taga-buwan ay may kaugalian na bigyan ng salu-salo ang mga dalaga. Taon-taon, pagdating ng mga dalaga sa edad na labingwalong taon, tinatawag at iniipon sila roon sa hardin. Ito’y kung kabilugan ng buwan sa Mayo. Sila ay tumutugtog, kumakanta, sumasayaw hanggang sa umumaga. Ang buong bayan ay masaya. Isang araw na hindi inaasahan, lumindol nang malakas sa buwan. Nabiyak ang planeta at ang hardin ay nawala. Ang mga utusan ay nakasama sa kalahating nabiyak. Sa tagal ng panahon, nalaman ng mga matatalinong tao sa buwan na ang iyong kabiyak ng planeta ay lulutang-lutang sa ibang lugar. Tinawag nila ito ng lupa – na ang ibig sabihin, Kabiyak ng buwan. Hindi nagtagal, naisip ng mga taga-buwan na dalawin ang lupa. Nakita nila na iyong magandang hardin ay naroon sa lupa at mabuti ang kalagayan. Madali itong puntahan kung iibigin. Kaya sila’y nagbalak na dumalaw sa lupa sa pagbibilog ng buwan.
Pagdating ng Mayo nagsipunta ang mga dalaga sa lupa. Itinaon nila sa pista ng Mayo. Pagkatapos na magawa ang dating kaugalian bumalik sila sa buwan na walang anumang masamang nangyari. Mula noon sila ay dumadalaw sa lupa taun-taon pagbibilog ng buwan sa gabi. Hindi nila alam na may mga buhay na tao sa lupa, na kalahati ng kanilang buwan.
Nakikita ng mga tao sa gubat ang pagdalaw ng mga taga-buwan. Malaking pagtataka para sa kanila iyong mga kasayahan ng taga-buwan. Sabi ng isang matandang taga-gubat: Taun-taon pagbilog ng buwan kung Mayo nagsisipunta rito sa lupa ang mga engkanto. Naisipan ng mga binatang taga-lupa na abangan ang pagbabalik na muli ng mga engkanto.
Dumating ang Mayo. Handa ang mga taga-lupa sa pagbibilog ng buwan, hapon pa lamang, nagsipunta sila sa gubat at nakita nila sa malawak na kapatagan ang pagbasa ng mga taga-buwan.
Ang mga taga-buwan ay handa rin sa pagpunta sa lupa. Nang sumikat ang buwan, ito’y parang gintong bola. Nang malapit nang bumaba sa lupa ang mga taga-buwan, umugong ang hangin. Parang sila na iyan, sabi ng isang nagbabantay. Mayamaya, narinig ang tugtog ng musika at mga tining ng kumakanta. Ayan na, sabi nila. Pagdating nila sa langit nakita nilang lumilipad sa harap ng hardin ang mga dalaga na kasimputi ng gatas ang mga damit at nakalugay ang buhok na parang gintong sinulid.
Tuloy ang tugtog ng musika habang dahan-dahang naglilibot pababa ang mga dalaga. Isa-isa silang bumaba sa lupa at pinaligiran ang isang puno na nasa gitna ng hardin. Nang nasa lupa na ang lahat ng dalaga, sila ay sumayaw at kumanta sa paligid ng punong kahoy. Ang musikang galing sa langit ay hindi humihinto.
Tumigil sila sa pagsasayaw at isa-isang lumapit sa punongkahoy. Mayroon silang kinuha sa dibdib at ito’y isinabit sa mga sanga ng kahoy. Pagkatapos nito, itinuloy nila ang sayaw. Mahuhusay silang kumilos na parang mga puting alapaap na lumilipad sa ibabaw ng sodang alpombra. Mag-umaga na, huminto sila at pumunta sa sapa na ang tubig ay parang pilak at doon sila naligo. Samantala ang mga taga-gubat naman ay tumakbo palapit sa kahoy at kinuha ang isinabit doon ng mga dalaga at nagtago silang muli.
Pag-ahon ng mga dalaga sa sapa, sila ay masasaya. Ngunit nang kukunin na nila iyon mga isinabit nila sa puno hindi na nila ito makita. Hinanap nila sa paligid pero wala rin.
Ninakaw! Ninakaw! ang kanilang sigaw. Mamamatay tayo dahil wala ang mga puso natin. Ang kanilang iyak at ang mga panambitan ay narinig ng mga nagnakaw. Isauli natin, sinabi noon mga naawa. Kawawa naman, sabi ng isa. Kailangan pabayaran natin, pahayag ng iba. Lumapit ang isang binata sa mga baba at nagtanong. Ano ang nangyari sa inyo? Ninakaw ang aming puso na iniwan naming sa punong itong, ang sagot ng isang babae. Ano? Puso ninyo, iniwan ninyo sa puno? ang tanong ng lalaki. Oo, dahil kung kami ay naglalakbay sa malayong lugar, inilalabas naming ang puso upang hindi naming makalimutan ang oras. Mga duwende ang kumuha ng puso ninyo, tugon ng lalaki. Maawa kayo sa amin. Tulungan ninyo kami, ang pagmamakaawa ng mga babae.
Hintay kayo. . . hahanapin ko ang mga duwende. . . . babalik ako kaagad, sabi ng lalaki.
Nag-usap-usap ang mga taga-kuweba. Sabi nila: Kung ang mga babae ay papayag na tumira sa lupa ng isang taon, ibibigay natin ang mga kinuha natin. May mga sumang-ayon: Mabuting kaisipan iyan, ang sabi naman ng iba.
Bumalik ang lalaki sa kinaroroonan ng mga babae. Naroon sa mga duwende ang mga puso ninyo. Kaya lang, isasauli daw nila sa inyo kung kayo ay payag na tumira dito sa amin sa loob ng isang taon. Mabuti pa ang mamatay kaysa tumirang buhay dito, sabi ng isang babae. Dapat sumang-ayon tayo sa kanilang hinihingi, tugon ng isa, ito ang ating kapalaran. Ang isang taon ay katapusan.
Lumabas ang mga lalaki na dala ang mga kinuha nilang mga puso. Isa-isang ibinalik nila ito sa mga babae, at bawat isang babae naman ay natutwang kinuha ang kanilang puso at ipinasok sa kanilang dibdib.
Masaya ang mga taga-Lupa dahil ang bawat isa sa kanila ay may makakasamang isang dalaga. Dinala nila ang mga babae sa kuweba ngunit nagreklamo ang mga ito. Mamamatay kami kapag tumira dito sa kuweba. Kaya sa mga bahay sila nanirahan, masaya ang buhay nila. Dumaan ang mga araw. Mabilis ang takbo ng panahon; dumating at lumipas ang mga buwan. Hindi maglalaon at darating na ang buwan ng Mayo, sabi ng mga babae sa mga lalaki. Pagdating ng Mayo, sa pagbibilog ng buwan, dadalawin natin ang punong sinabitan naming ng mga puso naming noong isang taon. Pumayag ang mga lalaki bilang alaala ng mapalad na taon nila. Noong gabing iyon nang magbilog ang buwan, nagsama-sama sila sa pagdalaw sa puno. Nang sila’y papalapit na sa punong kahoy nakita ng mga lalaki ang mga gintong bungang nakasabit sa mga sanga. Ano iyan? ang tanong ng mga lalaki. Iyan ang mga bungang kahoy sa buwan, sagot ng mga babae.
Tinalupan nilosong bunga at pinatikman sa mga lalaki. Matamis! Masarap! sabi ng mga lalaki.
Habang sinisipsip ng mga lalaki ang tamis ng mangga, isang malakas na ragasa ng hangin ang kanilang narining. Nang itaas ang kanilang mga mata, wala na ang mga babae.
Dinakot sila ng hangin at nawalan parang usok. Ang buto ng mangga ang naiwan sa kanila – alaala ng mga dalaga.